Only the President can fire me – Roque

September 14, 2021

Iginiit ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang maaaring mag-alis sa kanya sa puwesto sa kabila nang mga panawagang magbitiw na siya sa kanyang tungkulin dahil sa “rant” niya laban sa mga medical doctors.

“Unfortunately, only the President can fire me,” saad ni Roque sa isang Palace briefing nitong Lunes.

Kung matatandaan, ipinanawagan ng ilang mga medical doctors ang pagbibitiw ni Roque matapos nitong “sermunan” si Dr. Maricar Limpin na presidente ng Philippine College of Physicians sa isang pandemic task force meeting noong nakaraang linggo.

Ang nasabing “sermon” ni Roque ay kumalat sa social media.

Sa nasabing pagpupulong, iminungkahi ni Limpin na palawigin pa ang mahigpit na quarantine restrictions sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic upang hindi umano ma-overwhelm ang health care system ng bansa.

Ang pahayag ni Limpin ang nagtulak umano kay Roque na magsalita laban sa doktor, kung saan sinabi niyang matindi na ang epekto ng mga quarantine restrictions sa ekonomiya ng bansa.

Inakusahan rin ni Roque si Limpin at ang kanyang grupo na puro batikos lamang umano ang alam gawin ng mga ito.

Nauna nang ipinanawagan ng mga health workers ang pagbibitiw ni Roque at Department of Health Secretary Francisco Duque III dahil sa mga pahayag ng Presidential spokesman at ang pagbitin ng mga benepisyo ng mga health workers.

Pero ayon kay Roque, tanging ang Pangulo lamang rin ang makapagpapatalsik kay Duque.