INDAY SARA, TOP PICK PA RIN!

October 1, 2021

Kahit hindi pa nagdedeklarang tatakbo sa susunod na eleksyon, nanguna pa rin si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa listahan ng mga pagpipilian sa posibleng maging presidential candidate sa 2022 national elections, batay sa lumabas na Pulse Asia survey nitong Miyerkules.

Ayon sa survey na isinagawa noong Setyembre 6 hanggang 11, 20 percent rating ang nakuha ng Davao City mayor, mas mababa kaysa sa 28 percent rating nito noong Hunyo.

Ang Mindanao pa rin ang nagsisilbing balwarte ni Duterte-Carpio kung saan nakakuha siya ng 47 percent na suporta at sumunod rito ang Visayas na may 23 percent, Metro Manila na may 12 percent at pinakamababa ang Balanced Luzon na may 8 percent.

Pumangalawa naman kay Duterte-Carpio si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may 15 percent, kasunod sina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may 13 percent at Senador Manny Pacquiao na may 12 percent.

Panglima naman sa listahan si Senador Grace Poe na may 9 percent, habang si Vice President Leni Robredo naman ay may 8 percent at si Senador Panfilo Lacson naman ay may 6 percent.
Ginawa ang naturang survey bago magdeklara sina Pacquiao at Moreno na tatakbo sila sa pagka-pangulo.

Samantala, nanguna naman si Senate President Vicente Sotto III sa mga listahan ng pinagpipilian para sa pagka-bise presidente.

Nakakuha si Sotto ng 25 percent rating, habang kasunod naman niya si Pangulong Rodrigo Duterte na may 14 percent, ikatlo si Domagoso at Marcos na kapwa may 12 percent at Pacquiao na may 7 percent.