Nakakaburyong na pandemya

October 1, 2021

Nabuburyong ka na ba sa kakaisip ng kung paanong paraan mo mairaraos ang buhay mo ngayong Covid-19 pandemic?

Hindi ka nag-iisa, ako rin naman ay ganoon na rin… at siguradong hindi lang tayong dalawa, kaya ko nga ito sinulat dahil napakadami natin.

Ang Covid-19 pandemic ay nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ng sangkatauhan, marami sa atin ang nahaharap sa mga hamon talaga namang nakaka-stress at nakaka- overwhelm na sanhi ng matitinding emosyon, mapabata man o matanda.

Ang mga health protocols, tulad ng social distancing, ay kinakailangan upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19, ngunit dahil din sa paglalayo-layo ay marami ang nakakaramdam ng matinding stress at anxiety lalo na sa mga kabataan.

Kinakailangan lamang na mapag-aralan ng bawat isa kung paano malalagpasan ang stress sa malusog na pamamaraan dahil ito ay makakapagbigay ng katatagan sa atin maging sa ating mga mahal sa buhay.

Ayon sa isang life coach at Law of Attraction expert na nakabase sa India na si Sheena Shah, ang stress ay maaaring maging sanhi ng pagkatakot, galit, pagkalungkot, pangamba, pagkamanhid, pagkaramdam ng pagkabigo o pag-attract ng mga negatibong elemento.

Nakakaapekto rin ito sa ating appetite, enerhiya, mga ninanais at interes, dahil din dito ay nahihirapan tayo sa pagko-concentrate sa mga bagay-bagay maging sa pagdedesisyon, madalas din na nahihirapan tayong matulog o madalas na binabangungot.

Kadalasan din na nakakaramdam ng pananakit ng ulo, katawan, tiyan at nagkakaroon din ng mga rashes sa katawan, kung may iniindang sakit ay madalas na lumalala ito, gayundin at napapalala din nito ang kundisyon sa pagiisip.

Napapalakas din nito ang mga bisyo katulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak o mas malala pa ay paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Dagdag pa ni Shah, natural ang makaramram ng anxiety, stress o grief ngayong pandemic kaya’t narito ang ilang mga healthy ways upang malagpasan o makayanan ang stress na dulot nito.
Limitahan na muna sa panunuod, pagbabasa o pakikinig sa mga balita, kabilang na ang nasa social media.

Maganda ngang alam natin ang mga nangyayari sa ating kapaligiran ngunit maaaring magdulot ito sa atin ng negatibong epekto na lalong makakapagpa-stress sa atin.

Ugaliin ang paghinga ng malalim, pagi-stretch, kumain din ng healthy at well-balanced meal, pagwo-work out, mahabang tulog at iwasan ang mga bisyo katulad ng alkohol, sigarilyo at iba pang bisyo.

At dahil nga ang Covid-19 pandemic ang kadalasang nagiging sanhi ng matinding stress sa atin ngayon ay ano pang hinihinatay mo, magpabakuna ka na!

Gumawa ng mga bagay kung saan ay makakapag-unwind ka o mga aktibidad na nai-enjoy mo, ugaliin mo ring makipagusap sa mga taong pinagkakatiwalaan mo at malalapit sayo, maaari mo ring gawin ang mga bagay na nai-enjoy mo kasama sila.

Mas maigi rin na kumunekta sa mga komunidad o mga faith based organizations, at kahit pandemic ay posible pa ring ma-access online man kagaya ng social media o sa telepono o email.

Bukod sa lahat ng mga ito, ayon kay Clarisse Garcia, isang Filipino, 28 anyos na taga- Laguna at isa sa mga kliyente ni Shah ay isa rin umano sa mga naituro sa kanya ng kanyang life coach ang Universal Laws of the Universe na tatalakayin naman natin sa susunod na edisyon ng ating kolum.