Paghahain ng COC, hudyat na ng halalan

October 1, 2021

NGAYONG Biyernes, 1 Oktubre ay simula na ng walong araw na paghahain ng certificate of candicacy (COC) na tatagal hanggang 8 Oktubre.

Ito’y hudyat na rin nang pagsisimula ng halalan para eleksyon sa Mayo 2022.

Kabilang sa dapat tandaan sa paghahain ng COC, batay na rin sa inaprubahang pamantayan ng Commission on Elections (Comelec) ay tatlo lamang ang papayagang isama ng mga tumatakbong presidente, bise presidente at senador sa paghahain ng COC.

Samantalang, isang opisyal at isang eskort lamang ang papayagan para sa mga partylist.

Kailangan din na may resulta ng negatibong antigen na kinuha sa loob ng 24 oras ang mga maghahain ng COC.

May libreng antigen test naman ang Comelec para sa mga kandidatong walang kakayahan.

Hindi rin papayagan ang mga tagasuporta na magtipon sa labas sa harap naman ng banta ng coronavirus disease (Covid-19).

Papayagan din na maghain ang isang otorisadong kinatawan para maghain ng COC ng isang kandidato.

Kamakailan din, isinama ang mga kandidato sa mga authorized persons outside residents o APOR.

Kaiba ang eleksyon na magaganap dahil na sa gitna pa rin tayo ng pandemya.

Pinalawig na rin ang voter registration mula 11 hanggang 30 Oktubre para mas maraming makapagrehistro.

Umaasa ang lahat na magiging mapayapa at malinis ang paparating na eleksyon.

Lumahok tayo at tiyakin na mabilang ang ating boto!