VP LENI FOR PRESIDENT?

Featured Image

October 1, 2021

Inanunsyo na ng opposition coaltion 1Sambayan nitong Huwebes na si Vice President Leni Robredo na angnapili nilang magiging standard bearer para sa 2022 national elections.

Ayon kay 1Sambayan convenor at retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, inaasahan nilang tatanggapin ni Robredo ang pagkakapili sa kaniya.

“We hope that she will accept the challenge,” saad ni Carpio at dagdag niya, napili si Robredo sa pamamagitan ng selection process na kinabibilangan ng survey sa mga miyembro ng 1Sambayan at coalition partners.

Paliwanag pa niya, ginamit rin na basehan ang track record, competence, integrity, patriotism, vision for the country at winnability ni Robredo.

“We therefore ask VP Leni to accept our endorsement to lead the Filipino people in this difficult time in our history,” sabi ni Carpio.

Ayon pa kay Carpio, kung sakaling tanggihan ni Robredo ang kanilang pag-eendorso ay magpupulong muli ang koalisyon upang pag-usapan ang kanilang susunod na gagawin, pero naniniwala siya na hindi na tatanggi si Robredo.

Kung matatandaan, sinabi na ni Robredo na nakahanda siya sakaling siya ang mapili ng koalisyon ng oposisyon at ayon pa sa kanya, hindi na niya nais na magpatuloy pa ang rehimeng Duterte at ang posibleng pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan–sakaling tumakbong pangulo at manalo si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kabilang banda, nagpasalamat naman si Robredo sa 1Sambayan sa pagpili sa kanya bilang standard bearer ng oposisyon.

“Malaking karangalan ang tiwalang ipinagkaloob sa akin ng mga miyembro ng grupong ito,” saad ni Robredo.

Wala pang pormal na anunsyo kung tatakbo nga si Robredo bilang presidente sa susunod na eleksyon, pero ayon sa kanyang spokesperson na si Ibarra Gutierrez, reelection bilang vice president pa rin ang isa sa opsyon ni Robredo.

“Mulat tayo sa tungkulin natin, bilang pinuno at Pilipino, at taimtim na pagninilay at pagdarasal ang ginagawa natin,” sabi ni Robredo. “Sa mga susunod na araw, samahan ninyo akong magdasal pa, that our decision will be what is best for our country. Muli, maraming salamat sa inyong tiwala.”